Naging madugo ang inuman ng magkakapitbahay matapos umanong magkapikunan at magkabarilan ang dalawa sa mga ito sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Dahil sa tinamong mga tama ng bala sa katawan, isinugod sa ospital si Reynaldo Sasota, alyas “Denden”, 28, ng No. 1320, Block 13, Carlos P. Garcia Street, Tondo.
Samantala, tinutugis na ng mga awtoridad ang tumakas na suspek na si Roderick Nicholas, nasa hustong gulang, ng A-12 1320 Carlos P. Garcia St., Tondo.
Sa ulat ni Police Supt. Robert Domingo, station commander ng Manila Police District (MPD)-Station 1, dakong 10:20 ng gabi ay nagkayayaang mag-inuman ang magkakapitbahay sa Road 10, kanto ng Moriones St., Tondo.
Makalipas ang ilang sandali ay nagkaroon na umano ng pagtatalo sa pagitan ng suspek at biktima hanggang sa ito’y magkapikunan.
Naawat naman umano agad ang gulo at umuwi ang suspek na maya-maya’y bumalik din ngunit armado na ng baril at tinutukan ang biktima.
Nagkaagawan pa umano ng baril sina Reynaldo at Roderick hanggang sa makarinig ng putok ng baril at tuluyang bumulagta sa semento si Reynaldo. (Mary Ann Santiago)