Sugatan ang dalawang katao makaraang mawalan ng preno ang isang bagung-bagong kotse at inararo ang mga halaman sa center island sa Pasay City, kahapon ng madaling araw.
Isinugod sa San Juan de Dios Hospital ang mga biktimang sina Molendrito Galleon, nasa hustong gulang, guwardiya at nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA); at Red Sarino, nasa hustong gulang, sanhi ng mga sugat sa katawan.
Sa inisyal na ulat ng Pasay City Traffic Department, dakong 5:00 ng madaling araw nangyari ang insidente sa Roxas Boulevard, Buendia flyover northbound.
Minamaneho ni Sarino ang kanyang Honda Civic, for registration, nang mawalan umano ng preno hanggang sa tuluyang araruhin ang mga halaman na naging sanhi ng pagkawasak ng kanyang sasakyan.
Tiyempong nasa southbound lane naman ng nasabing lugar si Galleon na lulan sa kanyang Honda Rio, for registration, at minalas na matamaan ng mga tumalsik na halaman dahilan upang siya’y tumilapon.
Samantala, mahigit dalawang oras sumikip ang daloy ng trapiko sa lugar na labis ikinairita ng mga motorista.
(Bella Gamotea)