HIGH-SPEED railroad – ganito ang pagkakalarawan ng Chinese Ambassador to the Philippines na si Zhao Jinhua ang relasyon ng China at Pilipinas ngayon pagkatapos ng state visit ni President Duterte sa Beijing kamakailan.
Pagkatapos ng kanilang naunang pulong, muling nagkita sina Duterte at China President Xi Jinping sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa Lima, Peru.
Ang paunang bunga ng panibagong direksiyon ng ugnayang Pilipinas-China ay ang pagbabalik ng mga mangingisdang Pilipino sa kanilang kinamulatan nang pook pangisdaan sa Scarborough Shoal, na kilala natin bilang Panatag at Bajo de Masinloc. Ang Permanent Court of Arbitration sa The Hague ay nauna nang nagpasya na ang Scaborough dapat na panatilihing nakabukas para sa lahat ng bansa – Pilipino, Chinese, Vietnamese, atbp. – pero ang China, na inaangkin na sakop ito ng kanilang kapangyarihan, ay tinanggihan ang Arbitral Court ruling.
Bilang resulta ng patuloy na pag-uusapan ng mga opisyal ng Pilipinas at ng China, sinabi ni Ambassador Zhao nitong nakaraang Lunes ng gabi sa pagdiriwang ng Pasko kasama ang mga Pilipinong mamamahayag na ang China ay mag-aangkat ng mas maraming prutas at bilang pang mga produktong agrikultura mula sa Pilipinas. Maglalagak din sila ng puhunan sa maraming proyektong pang-imprastraktura. Marami ring darating na mga turistang Chinese.
Ang lahat ng ito ay bunga ng desisyon ni Presidente Duterte na itigil ang dating palabang posisyon ng bansa sa China.
Ang Pilipinas, sa ilalim ng Aquino administration, ay nagsampa ng kaso sa usapin sa South China Sea sa Arbitral Court sa The Hague. Napanalunan nito ang kaso, pero walang mga probisyon na magpapatupad sa ruling. Matatag ang pahayag ng China sa simula pa man na hindi nito kinikilala ang paglilitis.
Mula sa palabang posisyon tungo sa pakikipagtulungan – ito ang posisyon ng Duterte administration. Sa pananalita ng bagong Philippine Ambassador to China na si Chito Sta. Romana, pinili ngayon ng Pilipinas na isantabi ang mga isyu tulad ng soberanya na hindi mapapabilis ang kalutasan at sa halip ay harapin ang mga isyu na walang sigalot tulad ng ekonomiya, negosyo, at pamumuhunan.
Itinuturing nating katuwang ang China, sabi niya. Bunga nito, kung noon ay itinuturing ng China na piyon ng Estados Unidos ang Pilipinas, itinuturing na tayong kaibigang kapitbahay nito. Ang dalawang bansa ay patuloy na nag-aangkin sa ilang isla at shoals sa South China Sea, tulad ng Scarborough, ngunit ipinagpapaliban muna ang mga pang-angking ito -- sa loob ng daang taon kung kinakailangan.
Ang tren ng pagtutulungan ng China at Pilipinas ay umaarangkada na, sabi ni Ambassador Zhao nitong Lunes. Ang darating na 2017 ay magiging taon ng mas pinatatag na pagkakaibigan at pagtutulungan. “Our differences will not go away tomorrow, but what is important is that we can handle our differences properly so that we can continue to focus and enhance our common interests.”
Hihintayin natin ang bagong panahon na ito ng pagtutulungan.