CABANATUAN CITY - Isa ang napatay habang tatlo ang naaresto ng pulisya makaraang sumiklab ang engkuwentro sa pagsisilbi ng mga pulis ng search warrant laban sa pag-iingat umabo ng shabu ng 32-anyos na nasawi sa Purok 3, Barangay Vijandre ng lungsod na ito, nitong Martes ng gabi.
Sa ulat ni Cabanatuan City Police chief, Supt. Ponciano Zafra kay Senior Supt. Antonio Yerra, director ng Nueva Ecija Police Provincial Office, nakilala ang napatay na si Reagan Mesde, 32, may asawa.
Nabatid na nagsisilbi ng search warrant ang mga awtoridad sa bahay ni Mesde dakong 6:00 ng gabi nang nanlaban umano ang suspek.
Bumunot umano ng baril si Mesde at pinaputukan ang mga pulis at sa pagganti ng huli ay napatay ang suspek.
Bukod kay Mesde, mayroon ding hiwalay na search warrant laban sa kapatid niyang si Eduardo Mesde, 39, at naaresto rin sa nasabing operasyon sa lugar si Romnick Casapao, 28, isang telecom agent; at isang 34-anyos na babae.
Nakarekober umano ang pulisya ng isang .38 caliber revolver at 14 na plastic sachet ng hinihinalang shabu sa lugar ng engkuwentro. (Light A. Nolasco)