Isang walong buwang buntis ang himalang nabuhay makaraang saksakin ng 11 beses ng mga magnanakaw na nanloob sa kanilang bahay sa Antipolo City, kahapon ng madaling araw.

Nasa maayos nang kondisyon ngayon si Elizabeth Anatu, 36, ng Barangay Cupang, Antipolo City, at ligtas na rin ang sanggol sa kanyang sinapupunan.

Sa imbestigasyon ng Antipolo PNP, dakong 3:00 ng madaling araw nang pasukin ng apat na suspek ang bahay ng biktima na under construction pa kaya madaling napasok ng mga ito.

Dalawa umano sa mga suspek ang pumasok sa loob ng bahay ng biktima habang ang dalawa sa mga ito ang nagsilbing lookout.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Sa isinagawang follow-up operation ng mga tauhan ng Antipolo City Police, arestado ang dalawa sa apat na suspek kinilalang sina Miguelito “Boknoy” Gonzaga at Yvette Victoriano, kapwa nasa hustong gulang at residente rin ng nasabing lungsod.

Ayon kay Anatu, nagising siya nang makarinig ng mga kaluskos kaya sinabi n’ya sa mga magnanakaw na kunin na lamang ang lahat ng gusto nilang kunin, huwag lamang siyang saktan at kanyang mga anak.

Ngunit sa halip na sumunod ay minura pa umano ng suspek ang biktima at sinabing “bakit nagising ka pa!” at saka siya pinagsasaksak gamit ang ice pick at patalim na nakuha sa kanilang kusina.

Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad upang madakip ang iba pang suspek na nakatakas. (MARY ANN SANTIAGO)