Sugatan ang dalawang construction worker matapos gumuho ang bagong gawang canopy extension ng isang gusali sa Sampaloc, Maynila, kahapon ng tanghali.

Isinugod sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang isa sa mga biktima na si Ramil Poblacio habang ang isa pang biktima na kinilalang si Guillermo Sia ay nagtamo lamang ng minor injuries.

Sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Station 4, dakong 11:30 ng tanghali nangyari ang aksidente sa Jollibee Bustillos na matatagpuan sa Legarda Street, Sampaloc.

Base sa imbestigasyon, habang tinatanggal ang extended scaffolding ng nasabing food chain ay bigla na lang umanong nagbagsaksan ang bagong gawa nitong canopy extension.

National

Ilocos Norte, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Nagawa umanong magtalunan ng ibang construction worker ngunit nadaganan at nasugatan ang dalawang biktima na nagkataong nasa ilalim.

Nagtulung-tulong naman umano ang mga trabahador upang maialis agad ang mga nakadagan kay Poblacio na nagtamo ng mga sugat sa ulo at paa.

Kaugnay nito, ayon kay Engineer Guillermo Gernoga Jr., inspector ng Manila City Engineering Office, dahil sa aksidente ay pansamantala muna nilang ipatitigil ang pagpapatayo sa nasabing gusali upang bigyang-daan ang imbestigasyon. (Mary Ann Santiago)