SIMBANG GABI ang nagsisilbing hudyat ng opisyal na pagsisimula ng Kapaskuhan sa Pilipinas. Bagamat naririnig na natin ang mga awiting pamasko kahit Setyembre 1 pa lamang, at pagpasok pa lamang ng Disyembre ay kaliwa’t kanan na ang mga party sa mga eskuwelahan at mga opisina. Pero tuwing madaling araw ng Disyembre 16 bumabangon, kahit napakalamig kaya masarap pang matulog at umaalis ng bahay ang mga mananampalataya, upang dumalo sa una sa siyam na Misa na ipinagdiriwang sa mga simbahan sa buong kapuluan.
Matutunton ang ugat ng Simbang Gabi sa Banal Na Lupain, sa paglalamay sa hatinggabi ng mga unang Kristiyano sa Bethlehem na sinusundan ng prusisyon ng mga ilaw patungo sa Jerusalem at dumarating sila bago magbukang-liwayway.
Noong 1587, pinayagan ng Santo Papa ang petisyon ng pinunong monghe sa Convent of San Agustin Acolman sa Mexico na magsagawa ng Misa sa labas dahil hindi nagkakasya sa loob ng simbahan ang maraming mananampalataya na nais makinig ng Misa sa Bisperas ng Pasko. Sa mga kanayunan, na ang mga magsasaka ay kinakailangang magtrabaho sa kanilang mga bukirin, ay dumadalo sa Misa bago tumilaok ang manok sa pagbubukang-liwayway, kaya tinawag itong Misa de Gallo. Sa Puerto Rico, ang Misa tuwing madaling araw ay tinatawag na Misa de Aguinaldo, na nagtatapos sa Misa de Gallo sa Bisperas ng Pasko.
Hanggang sa ngayon ang Misa de Gallo tuwing Kapaskuhan ay isinasagawa sa maraming bansa – sa Espanya, Latin America, at sa Pilipinas. Ang ating Simbang Gabi ay pagpapatuloy sa tradisyon na sinimulan ng mga unang Kristiyano sa Banal Na Lupain at ang pagdiriwang ng simbahan ay naiangkop na sa iba pang mga kaugaliang Pilipino tulad ng pagsisindi ng parol. Pagkatapos ng Simbang Gabi, ang mga pamilyang Pilipino ay nagsasalu-salo sa paboritong pagkain na nabibili sa paligid ng simbahay tulad ng bibingka at puto bumbong.
Marami pang ibang katutubong tradisyon na isinasabay nating mga Pilipino sa pagdiriwang ng Pasko. Sa ilang probinsiya, ginugunita ang paglalakbay nina Joseph at Mary sa paghahanap ng mapagpapahingahan sa pamamagitan ng “Panunuluyan.” Sa San Fernando, Pampanga ay mayroong Giant Lantern Festival samantalang sa buong lalawigan ng Tarlac ay may paligsahan naman sa magagadang Belen. Sa Bisperas ng Pasko, ang bawat pamilya ay nagsasalu-salo sa masaganang Noche Buena na binubuo ng masasarap na pagkain tulad ng hamon, keso at iba pa. Sa mismong araw ng Pasko, dinadalaw ang kanilang mga kamag-anak at ang mga bata ay tatanggap ng kanilang aguinaldo.
Ang Kapaskuhan sa Pilipinas ay punumpuno ng iba’t ibang pagdiriwang at kasiyahan – kasama na ang pagbibiruan pagsapit ng Niños Inocentes pagsapit ng December 28, muling pasasalu-salo ng buong pamilya sa Media Noche sa Bisperas ng Bagong Taon at pagpapaputok ng buong bayan para maitaboy ang masasamang ispiritu. Saka ang Pista ng Epipanya o Three Kings Day sa Linggo pagkatapos ng Bagong Taon, at ang ibang pamilya ay patuloy na tumatalima sa kinaugaliang pagsasabit ng medyas na pupunuin ng Tatlong Hari ng maliliit na regalo.
Kinaugalian na rin natin tuwing Pasko ang iba pang tradisyon na napulot natin mula sa ibang bansa – tulad ng Christmas tree, Santa Claus, mall sales, concerts – pero nananatili sa kaibuturan ng ating puso ang pagdiriwang ng Paskong Pilipino. At isa sa pinakamamahal natin sa mga tradisyong ito ang Simbang Gabi, ang hudyat ng pagsisimula ng Pasko sa ating lupain.