Todas ang isang lalaking hinihinalang tulak ng ilegal na droga habang sugatan naman ang isang miyembro ng Special Weapons and Tactics (SWAT) sa ikinasang police operation, iniulat kahapon.

Kinilala ni Manila Police District Director Police Sr. Supt. Joel Coronel ang nasawing suspek na si Jeffrey Agustin, 36, ng 1271 Tayuman Street, Tondo, Maynila.

Sugatan naman at ginagamot sa ospital si PO3 Junie Acuna dahil sa tinamong tama ng bala sa katawan.

Sa imbestigasyon ni SPO3 Milbert Balinggan, ng MPD-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 5:00 ng hapon isinagawa ang operasyon matapos makatanggap ng tawag mula sa isang alyas “Jepoy” hinggil sa presensiya ng isang lalaki na armado ng baril at nagbebenta ng ilegal na droga sa Riverside Tayuman.

Romualdez, nanawagan sa Kamara: 'Let us reject baseless accusations!'

Pagdating ng mga pulis sa lugar ay namataan nila ang suspek na armado ng baril at nang mapansin sila nito ay agad umanong silang pinaputukan at mabilis na tumakas at nagtago.

Pagsapit ng 8:00 ng gabi ay nakatanggap ng impormasyon ang mga pulis na ang suspek ay matatagpuan sa 1936 Almeda Street sa Tondo, kaya agad nilang sinalakay ang lugar.

Nagulat naman ang mga pulis dahil nakaabang na pala ang mga suspek at sinalubong sila ng mga putok ng baril na nagresulta sa pagkakasugat ni Acuna.

Dito na napilitang magpaputok ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkamatay ni Agustin.

Sa pagsisiyasat ng mga awtoridad, nabatid na bukod sa pagkakasangkot sa ilegal na droga, si Agustin din ang itinuturong suspek sa pagpatay sa isang Maynard Duallo, noong Hulyo 19, 2016, sa Riverside sa Tayuman, Tondo.

(Mary Ann Santiago)