LUCENA CITY, Quezon – Dinakma ng pulisya ang isang nagpanggap na pulis, na nakasuot pa ng uniporme, matapos nito umanong umanong holdapin at molestiyahin ang isang 36-anyos na babae sa Barangay 5 sa siyudad na ito, nitong Miyerkules ng umaga.

Iprisinta kahapon ni Senior Supt. Rhoderick Armamento, director ng Quezon Police Provincial Office (PPO), sa media si Joseph V. Ayapana, 31, taga-Sitio Puri, Bgy. Talipan, Pagbilao.

Ayon kay Armamento, inaresto si Ayapana makaraang magreklamo ang 36-anyos na biktima sa himpilan ng Lucena City Police na hinoldap siya at tinangka pang halayin ng suspek, dakong 2:00 ng umaga, habang naglalakad pauwi sa Purok Pag-Asa, Bgy. Gulang-Gulang.

Sinabi ni Armamento na sakay sa motorsiklo at nakasuot ng uniporme ng pulis ang suspek nang lapitan ang biktima at tutukan ng baril — na kalaunan ay nakumpirmang gun replica lamang — bago hinablot ang bag ng biktima na naglalaman ng wallet nito, isang Samsung Note 3 phone at iba pang personal na gamit.

Probinsya

Lalaki, nanaksak matapos maingayan sa motorsiklo noong Bagong Taon

Minolestiya rin umano ni Ayapana ang biktima, na pumalag at nagtatakbo papunta sa kanyang bahay hanggang sa napansin ng mga kapitbahay ang komosyon. Dito na nagmamadaling tumakas ang suspek sakay sa kanyang motorsiklo, pero naaresto rin siya.

Inaming nakita lang niya sa gilid ng kalsada sa Pagbilao ang uniporme na pag-aari ng isang operatiba ng Quezon PPO, narekober sa suspek ang isang underwear ng babae, ang gun replica, isang patalim at ang bag ng 36-anyos na huling biktima.

Kinasuhan si Ayapana ng robbery with attempted rape, illegal possession of deadly weapons at usurpation of public authority. (Danny J. Estacio)