Umapela kahapon ang Malacañang na unawain na lang ng publiko ang “colorful language” ni Pangulong Rodrigo Duterte, na batay sa resulta ng huling Social Weather Stations (SWS) survey ay ikinababahala na ng ilan, partikular ng mga kapwa niya taga-Mindanao.
Kasabay nito, pinasalamatan ng Palasyo ang mga Pilipino dahil hindi nagmamaliw ang matatag na suporta ng mga ito sa Punong Ehekutibo.
“Surveys are snapshots of our people’s sentiments at any given time. We are thus grateful to the Filipino people for giving the president two consecutive ‘very good’ net satisfaction ratings,” sabi ni Communications Secretary Martin Andanar.
Aniya, magsisilbing inspirasyon ng Pangulo ang suporta ng mamamayan sa patuloy na paglaban sa napakaraming problemang kinakaharap ngayon ng bansa, kabilang ang kahirapan, krimen, kurapsiyon, droga, rebelyon at terorismo.
“On the president’s colorful language, we ask for our people’s understanding as these utterances are not personal attacks directed at particular persons but mere expressions of disgust and impatience over the many unresolved and unaddressed issues that remain pervasive to this day,” sabi pa ni Andanar.
Batay sa huling SWS survey, napanatili ng Pangulo ang kanyang “very good” satisfaction rating sa ikaapat na quarter ng 2016.
Tumanggap si Duterte ng +63 net satisfaction rating sa nationwide survey sa 1,500 adult noong Disyembre 3-6 — bumaba ng isang puntos mula sa una niyang satisfaction rate na +64 noong Setyembre, ngunit nananatiling “very good”.
Gayunman, natukoy din sa survey ang tumitinding pagkabahala ng publiko sa madalas niyang pagmumura, at partikular na naaalarma rito ang mga kapwa Mindanaon ng Pangulo.
Batay sa survey, 51% ng mga respondent ang naniniwalaang makaaapekto sa ugnayan ng Pilipinas sa ibang bansa ang nakasanayan nang pagmumura ni Duterte sa mga dayuhang opisyal.
IKA-70 WORLD’S MOST POWERFUL
Kasabay nito, napabilang din si Pangulong Duterte sa World’s Most Powerful People ng Forbes Magazine ngayong 2016 makaraang pumuwesto sa ika-70.
Ang idolo ni Duterte na si Vladimir Putin ang nanguna sa listahan, ang ikaapat na sunod para sa Russian president.
Pumangalawa kay Putin si US President-elect Donald Trump, na sinundan nina German Chancellor Angela Merkel, Chinese President Xi Jinping at Pope Francis. (May ulat ng AFP) (ELENA L. ABEN)