LIMAY, Bataan – Nagliyab nitong Miyerkules ang isang cargo ship na oil tanker at 18 tripulante nito ang nasugatan.

Ayon sa police report, dakong 4:00 ng hapon nitong Miyerkules nang sumiklab ang sunog sa engine room ng M/TKR Reia Faye, isang marine oil tanker na nakaangkla malapit sa baybayin ng Barangay Luz sa Limay, Bataan.

Hindi pa batid ang pinagmulan ng pagsabog.

Sinabi sa report na 18 tripulante ng barko ang nasugatan, kabilang ang kapitan na si Vincent Latap, 56, taga-Barangay 1, EMS Bario, Legazpi City, Albay.

Probinsya

Student-athlete, pumanaw matapos ang boxing match

Nabatid na ang marine tanker ay nag-o-operate sa ilalim ng Reild Marine Services and Trading, at nakadaong ngayon sa baybayin ng Limay habang naghihintay ng instruksiyon mula sa Petron Bataan Refinery.

Sinabi ni Latap sa imbestigasyon na pinagagana ang makina ng barko nang makarinig sila ng hindi pamilya na tunog sa engine room na sinundan ng biglaang pagsiklab ng apoy.

Kaagad namang nagtalunan sa ilog ang mga tripulante, na na-rescue ng mga kalapit na operator ng tugboat at dinala sa pantalan sa Bgy. Lamao para maisugod sa mga ospital sa Orion at Balanga City.

Bukod kay Latap, nagtamo rin ng matitinding sugat at paso sa katawan sina Steven Kyle Calugay, 19, ng San Fernando City, La Union; Kenneth Guinto, 21, ng Dagupan City, Pangasinan; Rodgie Francisco, 23, ng Cebu City; Danilo Morollano, ng Bantayan Island, Cebu City; Marty S. Manzo, taga-Bilogo Calatrova, Romblon.

Minor injuries naman ang natamo nina Christian Lexter Doroteo Faner, 25, ng Dasmariñas City, Cavite; Bryan de Peralta, 25, ng Vigan, Ilocos Sur; Celszann Cabanela Celis, ng Antipolo City, Rizal; Armando Leanillo, 61, ng Quezon City; Restie Siona, 21, ng Valenzuela City; Maria Theresita Diego, 21, ng Malabon City; Petapaul Bones, 23, ng Navotas City; Agustin Sabidal, 21, ng Patnungon, Antique; James Darwin Oro, 22, ng Iloilo City; John Lester Oro, 23, taga-Iloilo City rin; Cris Raondero, 26, ng Urbiztondo, Pangasinan; at Jonarick Garo, 22, ng Malate, Maynila.

(MAR T. SUPNAD)