Muling nagsama-sama kagabi ang iba’t ibang grupo na tutol sa paghihimlay kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani (LNMB), ngunit hindi na para mag-ingay kundi upang mag-alay ng panalangin, kasabay ng pagsisimula ng Simbang Gabi.
Mahigit 1,000 aktibista at Marcos protesters mula sa iba’t ibang grupo ang nakiisa sa “SAMBAyanan” mass sa People Power Monument sa EDSA, Quezon City, dakong 9:00 ng gabi.
Ito ay inorganisa ng Coalition Against the Marcos Burial at the Libingan ng mga Bayani (CAMB-LNMB), ang grupong nagdaos ng iba’t ibang protesta matapos ang pasekretong paglilibing kay dating Pangulong Marcos sa LNMB sa Taguig City noong Nobyembre 18, at sa Bonifacio Day protest nitong Nobyembre 30 na dinaluhan ng 25,000 indibiduwal.
DRESS CODE
Samantala, nakiusap ang isang opisyal ng Simbahan sa lahat ng mananampalatayang dadalo sa Simbang Gabi sa mga mall na panatilihing sagrado ang pagdiriwang sa pagsunod sa tamang pananamit.
“Going to mass in the parish and going to mass in the malls must be celebrated with the same disposition. This includes wearing the appropriate attire,” pahayag kahapon ni Roman Catholic Archdiocese of Manila (RCAM)-Commission on Liturgy Assistant Commissioner Fr. Carmelo Arada.
Hinihikayat ang mga lalaking magsisimba na magsuot ng long-sleeved polo shirt, collared shirt, o kaya ay T-shirt na tinernuhan ng slacks o pantalon, sa halip na magsuot ng sombrero, basketball jersey, shorts o jersey shorts.
Habang ang mga babae ay hinihikayat na magsuot ng bestida, long gown, o blouse na may kuwelyo, at pinakiusapang huwag magsusuot ng spaghetti-strapped, maiikling palda, hapit na shorts o sleeveless blouse.
(Vanne Elaine P. Terrazola at Samuel P. Medenilla)