bro-jun-banaag-copy

SA pagpasok ng Bagong Taon ay magdiriwang ng ikadalawampung anibersaryo ng Dr. Love Radio Show ni Bro. Jun Banaag sa DZMM. Puspusan na ang paghahanda sa pamumuno ng executive producer na si TJ Corria para maging makabuluhan at matagumpay ang selebrasyon.

Ayon kay G. Corria, maraming ‘di kapani-paniwalang pangyayari ang naganap sa buhay ng ilang callers na tumatak nang husto sa puso at isipan ng mga tagapakinig. Lahat sila ay humihingi ng tulong na hindi ipinagkait ng programa.

“Mala-MMK (Maalaala Mo Kaya) ang kanilang mga salaysay na aming gugunitain. Isa dito ay ang paghingi ng saklolo ng isang domestic helper na pinagmamalupitan ng kanyang amo. Pinaplanstsa at kinukulong siya sa munting pagkakamali.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

“Marami ang napaluha sa kalunus-lunos na kalagayan ng isang amang itinakas ang bangkay ng anak dahil wala siyang pambayad sa hospital,”pagbabalik-tanaw ng batamabata pang producer.

Malayang makakatawag ang listeners ng Dr. Love upang ibahagi ang kani-kanilang istorya tungkol sa pakikinig ng programa na tumimo sa kanilang damdamin.

Ang suhestiyon namin ay ipunin ang magaganda at madamdaming mga kuwentong ito at ilimbag sa isang aklat. Mainam din kung matutunton ang kasalukuyang kalagayan ng mga tagapakinig na nagkaroon ng kaugnayan sa Dr. Love Radio Show. O kaya’y isadula sa MMK ang kanilang mga karanasan. (Remy Umerez)