Hiniling ni dating Senador Ramon “Bong” Revilla, Jr. sa Sandiganbayan First Division na mabisita niya ang may sakit na ama sa St. Luke’s Medical Center sa lalong madaling panahon.
Kasalukuyang nasa intensive care unit ng nasabing ospital sa Taguig City ang 89-anyos niyang ama na si dating Senador Ramon Revilla, Sr. matapos ma-diagnose na may severe sepsis second to pneumonia.
Sa kanyang urgent motion, iginiit ni Revilla na mabisita niya ang kanyang ama “as soon as possible”, kahit na hanggang anim na oras lamang, sa Disyembre 14, 15 o 16, mula 2:00 ng hapon hanggang 8:00 ng gabi.
Mas piniling makapiling ang ama sa maselang lagay nito, binawi na ni Bong ang nauna niyang mosyon para payagan siya ng korte na makasama ang kanyang pamilya sa Pasko, Disyembre 24 at 25, sa Cavite.
Nahaharap sa graft at plunder kaugnay ng maanomalya umanong paggamit sa kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF), ilang taon nang nakapiit si Bong sa Philippine National Police Custodial Center sa Camp Crame, Quezon City.
(Czarina Nicole O. Ong)