BENTANG-BENTA sa mga tagasubaybay ng FPJ’s Ang Probinsyano ang pagtitinginan, na tiyak na mauuwi sa inlaban, nina Cardo Dalisay (Coco Martin) at Alyana Arevalo (Yassi Pressman).
Sa tinatakbo ngayon ng highest-rating Kapamilya teleserye, si Alyana ang babaeng pinakamalapit sa puso ni Cardo, at napakalakas ng chemistry ng gumaganap sa kanila na parehong magagandang lalaki at babae, kaya hindi na nakapagtataka na marami ang kinikilig sa kanila.
May tsismis pa nga na nagkakamabutihan na raw sina Yassi at Coco sa tunay na buhay.
Binibigyan na tuloy ng kahulugan ng netizens ang Instagram post ni Julia Montes kamakailan na may caption na, “I just need sometime to clear my head.” Halos kasabay kasi ito ng post din ni Yassi ng picture nila ni Coco habang nasa Dubai nang mag-concert sila roon.
Kaya sa backstage ng ABS-CBN Christmas Special nitong nakaraang Martes, hiningan na ng komento si Julia, ang matagal nang napapabalitang girlfriend ni Coco.
“Bagay sila… kayo naman po kasi lagi lang may issue sa inyo,” komportableng sagot ni Julia, sabay tawa. “Hindi...
Wala namang issue, actually nakakatawa nga, kanina pa namin pinagtatawanan ni Yassi na, uy may issue,” natatawa pa ring dugtong ni Julia.
Ano nga ‘yung kantang ‘yun? Tulak ng bibig, kabig ng dibdib. Hindi kaya?
Magandang subaybayan ang mga susunod na kabanata sa namumuong love triangle na ito sa totoong buhay.
Sa totoong buhay daw, o! (ADOR SALUTA)