LA TRINIDAD, Benguet – Isang tatlong-araw pa lang na lalaki ang kinidnap ng hindi pa nakikilalang suspek sa loob mismo ng Benguet General Hospital sa bayang ito, nitong Martes ng hapon.
Base sa pahayag ng amang si Jose Antonio Vicente, Jr., 41, ng Barangay Ambassador, Tublay, Benguet, sa imbestigador ng La Trinidad Municipal Police, dakong 4:18 ng hapon at nasa ward siya ng kanyang asawa at ng bagong silang nilang anak na si John Miller nang isang babae ang lumapit.
Nagpakilala ang babae sa pangalang Dr. Ramos at kinuha ang bata para umano sa weighing at check-up.
Gayunman, mahigit isang oras na ang nakalipas ay hindi pa rin bumabalik ang doktor at ang sanggol kaya hinanap na ni Jose ang dalawa sa loob ng hospital subalit hindi na niya sila makita.
Sa CCTV footages ng ospital ay nakita ang dalawang babae, na bitbit ang isang malaking bag na posibleng pinaglagyan sa sanggol, habang papalabas ng ospital ilang minuto makaraang kunin ang sanggol ng nagpakilalang doktor.
Umaapela ang mga magulang ng bata sa mga suspek na kung anuman ang kanilang motibo ay makonsensiya naman at ibalik na ang sanggol sa tunay nitong ina. (Rizaldy Comanda)