Kinansela ng Department of Tourism (DoT) kahapon ang nakatakdang Miss Universe fashion show sa Davao City sa gitna ng mga batikos mula sa mga local designer.
Sa isang Facebook post, sinabi ni Tourism Undersecretary Kat de Castro na nagpasya siyang kanselahin ang nasabing okasyon sa SMX Convention Center sa Davao City simula Enero 19 upang maiwasang lumala pa ang kontrobersiya.
“As head of the ancillary events of the DoT for Miss Universe, I have decided to cancel the fashion show in Davao City,” aniya.
“This is to prevent controversies that may arise from the statement made by the local designers of Davao City. Thank you very much,” dagdag niya.
Binatikos ng Davao Fashion and Design Council Foundation, Inc. (DFDCFI) si Tourism Secretary Wanda Teo matapos mapili si Renee Salud na designer ng mga gown para sa Miss Universe fashion show na magtatampok sa “Mindanao fabrics and tapestry.”
Sa isang press conference kahapon bago ang kanselasyon, sinabi ni Dodgie Batu, dating presidente ng DFDCFI, na hindi simpleng bagay lamang ang tila pang-iisnab sa kanila sa paggawa ng mga gown na isusuot ng mga kandidata ng Miss Universe.
Diin niya, mas kilala ng homegrown designers ang kultura ng Mindanao at dapat na binigyan sila ng pagkakataon na maipamalas ang kanilang mga produkto.
Nadismaya aniya sila nang malaman nila na si Salud ang gagawa ng lahat ng gown ng mga kandidata.
“We are rooted to our culture. Hindi naman tipong nakabili ka lang ng isang Mindanao fabric and make it as a dress, you are a Mindanawon. Mas kultura natin ito, dapat tayo ang magkukwento,” dagdag niya.
(Argyll Cyrus B. Geducos at Antonio L. Colina IV)