WALANG dapat ikagulantang sa pagbaba at pagtaas ng presyo sa petrolyo na paulit-ulit na ipinagsisigawan sa himpapawid at inilalathala sa mga pahayagan. Nahirati na ako sa katiting na rollback at bigtime price hike ng diesel at gasolina at iba pang produkto ng langis na walang pakundangang ipinatutupad ng oil companies.
Ang dapat nating ipagtaka ay ang tila kawalan ng malasakit ng administrasyon sa pagbalangkas ng mga regulasyon upang matauhan ang mga kumpanya ng langis sa kanilang sinasabing mapanlamang na pagnenegosyo. Dapat nang buwagin ang mga balakid sa pagsasamantala ng mga negosyante na walang inaalagata kundi magkamal ng limpak-limpak na pakinabang.
Matagal na tayong nanawagan upang susugan, kundi man ganap nang mapawalang-bisa, ang Oil Deregulation Law (ODL). Ang batas na ito na matagal nang nagpapahirap sa sambayanan, lalo na sa mga motorista, ay hinayaang makapamayagpag ng nakalipas na mga administrasyon; hindi man lamang tinangkang amyendahan ito dahil marahil sa pakikipagmabutihan sa mga kumpanya ng langis; ito ang kanilang kinasangkapan laban sa panggigipit sa kanilang operasyon.
Noon, laging iminamatuwid ng nakaraang mga administrasyon na mistulang nakatali ang kanilang mga kamay laban sa pagmamalabis ng oil companies. Lagi nilang ipinangangahas ang kapangyarihan ng ODL sa pagpapatupad ng kahit na gaano kataas na presyo ng kanilang mga produkto.
Ngayon dapat ipadama ng Duterte administration ang kanilang pakikidigma – hindi lamang sa droga, kriminalidad at kurapsiyon – kundi maging sa mga mapagsamantalang negosyante na bumibiktima sa kahinaan ng sambayanan. Kailangang kumilos ang Kongreso na ngayon ay pinaghaharian ng super majority na susugan o kaya ay pawalang-bisa ang ODL upang magkaroon ng patas na pagnenegosyo.
Kung ang pagsusog sa Konstitusyon at ang panukalang-batas hinggil sa muling pagpapatupad ng parusang kamatayan at iba pang makabuluhang bill ay tinututukan ng administrasyon, wala akong makitang dahilan upang ang pagbasura sa ODL ay ipagwawalang-bahala ng mga kaalyado ng Pangulong Duterte.
Natitiyak ko na hindi niya kukunsintihin ang anumang uri ng mapanlamang na pagnenegosyo.