Nakasalo sa ikatlong puwesto ang Lyceum of the Philippines matapos walisin ang kapitbahay na Mapua, 25-16, 25-21, 26-12 kahapon sa pagpapatuloy ng aksiyon sa NCAA Season 92 volleyball tournament kahapon sa San Juan Arena.
Nagposte ng 18 puntos si Cherilyn Sindayen na kinabibilangan ng 14 hit, isang block at tatlong ace upang pamunuan ang ikaapat na panalo ng Lady Pirates at saluhan ang Arellano Lady Chiefs sa ikatlong puwesto.
Patuloy na nangunguna ang San Sebastian Lady Stags na hindi pa natatalo sa loob ng anim na laban kasunod ang defending champion College of St. Benilde Lady Blazers na may markang 5-1.
Wala namang tumapos na may double digit para sa Lady Cardinals na nanatiling walang panalo matapos ang anim na laro.
Sa isa pang laban, binokya ng season host San Beda ang winless ding Letran, 25-19, 25-13, 25-15 para sa ikalimang panalo sa pitong laro.
Namuno sa nasabing panalo si Nieza Viray na may 13 puntos kasunod si Francesca Racraquin na may 12 puntos.
Samantala, sa men’s division, nakopo ng Mapua sa pangunguna ni Alfredo Pagulong na umiskor ng 17 puntos, ang ikatlong panalo sa anim na laro matapos ungusan ang Lyceum, 25-18, 25-20, 22-25. 14-25, 15-13.
Dahil sa kabiguan, bumaba ang Pirates na pinangunahan ni Joeward Presnedi na may 24 puntos sa barahang 2-3.
Nakatakdang magpahinga ang liga para bigyan ng daan ang holiday season at muling magpapatuloy sa Enero 4 ng susunod na taon. (Marivic Awitan)