BAGUIO CITY - Panghoholdap ang nakikitang motibo sa pagpaslang sa 16-anyos na lalaking estudyante na sinaksak ng 36 na beses ng hindi pa nakikilalang suspek habang papasok sa paaralan nitong Martes ng umaga, sa siyudad na ito.

Labis na kinondena ng mga guro at estudyante ng Pines City National High School ang walang awang pagpatay kay Kenneth Pacheco Velasco, 16, ng Sunnyside Fairview, at Grade 10 student sa nasabing paaralan.

Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, naglalakad ang biktima sa alley ng isang hardware sa Naguillian Road bilang shortcut patungo sa paaralan dakong 7:55 ng umaga nang harangin ng mga suspek.

Nabatid na nawawala ang cell phone ng biktima at ang P200 nitong baon na ibinigay ng ina. Nagbilin pa umano sa binatilyo ang inang si Claire Velasco na mag-ingat at huwag dadaan sa nasabing eskinita dahil madalas ang holdapan sa lugar.

Probinsya

Student-athlete, pumanaw matapos ang boxing match

“Wala akong alam na kaaway ng anak ko. Wala siyang frat at barkada at school at bahay lang siya mula noon,” kuwento ni Claire. “Minsan naikuwento niya sa akin na may kaklase siyang naholdap doon, kaya palagi ko siyang sinasabihan na mag-ingat at huwag dadaan sa lugar na iyon.”

Sa awtopsiya ni Dr. Rodrigo Leal, ng Philippine National Police (PNP) Crime Laboratory Service, sinabi nitong nagtamo ang binatilyo ng 16 na saksak sa ulo at leeg, walo sa dibdib, 10 sa likod at dalawa sa hita, kaya naman hindi na ito umabot nang buhay sa ospital.

Ayon kay Senior Supt. Ramil Saculles, acting director ng Baguio City Police Office, hawak na nila ang CCTV footage mula sa hardware at sa barangay hall na nasa ibaba lamang ng alley. Naniniwala ang pulisya na malaki ang maitutulong ng mga kuha ng CCTV camera upang matukoy ang mga salarin.