LIPA CITY, Batangas – Patay ang isang 44-anyos na ginang habang sugatan naman ang isang guwardiya matapos mabaril ng mga nanloob sa isang eksklusibong subdibisyon sa Lipa City, Batangas, nitong Martes.
Sa ulo binaril si Alexandra Mazloum, habang sa braso naman ang tama ni Christopher Paguio, 29, security guard sa La Finca Subdivision sa Barangay Dagatan.
Ayon sa report ni PO3 Oliver Morcilla, dakong 8:30 ng gabi at nasa kuwarto si Mazloum kasama ang kanyang ina at anak na babae nang biglang lumabas sa closet ang dalawang armadong suspek.
Tinangka umanong barilin ng mga suspek ang matanda, subalit nakiusap si Mazloum na huwag patayin ang kanyang ina, habang nagtatakbo naman palabas ng bahay ang kanyang anak, at doon na siya binaril sa ulo.
Kaagad namang rumesponde ang tatlong security guard sa subdibisyon at pinaputukan sila ng mga suspek, subalit si Paguio lang ang natamaan.
Nakuha ng mga suspek ang hindi pa mabatid na cash, iba’t ibang uri ng cell phones, alahas, mga credit card at iba pang mahahalagang gamit. (Lyka Manalo)