CAMBODIA – Mas mabuting magbitiw na lang sa puwesto ang mga opisyal ng gobyerno na masasangkot sa kurapsiyon upang makaiwas sa posibleng kamatayan.

Sa pagsisimula ng kanyang state visit sa Cambodia, direktang binalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang sinumang tiwaling lingkod-bayan, nagbanta ng “patayin kita” kung ipagpipilitang manatili sa puwesto.

Nagtalumpati sa Filipino community sa Phnom Penh nitong Martes ng gabi, sinabi ng Pangulo na hindi niya patatawarin ang sinumang tiwaling opisyal ng pamahalaan, kahit na malapit na kaibigan pa niya ito.

“Akin talaga is dismissal. Hindi ako makuntento ng suspension. Dismissal. Kung ayaw mong umalis sa trabaho, ‘di patayin kita. Ganon lang,” sabi ni Duterte.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Sakaling maging talamak ang kurapsiyon sa isang ahensiya ng gobyerno, nagbabala ang Presidente na dapat na mismong ang pinakamataas na opisyal na ng ahensiya ang magbitiw sa puwesto.

“Corruption, it will stop. Wala akong papatawarin d’yan. Maski kaibigan. It will stop,” anang Pangulo.

“Maski kaming mga kaibigan, sabi ko, ‘pagka may nangyari d’yan (government agency) at under sa ‘yo, I’m sorry. Maybe even you would have to resign,” aniya.

Kasabay nito, hinimok din ng Pangulo ang mga overseas Filipino worker (OFW) na i-report sa gobyerno ang anumang gawaing may kinalaman sa kurapsiyon, sa pamamagitan ng hotline na 8888. Hinikayat din niyang pangalanan ang inirereklamong opisyal upang mapahiya ito.

“After the news blangko ‘yan, ‘yung screen. It’s actually a program, you just dial. Just dial 8888. Then, isabi mo doon (ang pangalan ng opisyal), para malaman ng buong Pilipinas, sambayanang Pilipino,” sabi ni Duterte. “You can name them. Hindi mo na kailangang ilagay pangalan mo, and I will take it from there.”

Kasama ang dalawang senador at ilang miyembro ng Gabinete, dalawang araw ang state visit ni Pangulong Duterte sa Cambodia, na tinampukan ng pagkikita nila ni Cambodian King Norodom Sihamoni kahapon ng umaga, sa Royal Palace sa Phnom Penh.

Pagkatapos sa Cambodia ay tutuloy ang delegasyon ng Pangulo sa Singapore para sa dalawang-araw na state visit doon.

(GENALYN D. KABILING)