MAYROONG nagaganap na bago pero hindi nakikitang digmaan sa mundo, na sangkot ang mga puwersang binuo ng Russia, China, North Korea, at Estados Unidos. Kung naganap ang labanan noon sa lupa, karagatan at himpapawid, at maging sa kalawakan, ang bagong operasyon ay nagaganap sa cyberspace, ayon sa isang tagapagsalita ng US Army Cyber Command.
Noon pa mang 2015, ipinahayag na ng US Office of Personnel Management na may nagaganap na pagsalakay sa kanilang data, kaya nalantad ang records ng 18 milyong federal employees, ayon sa pagsusuri ng Federal Bureau of Investigation (FBI).
Ang US military ngayon ay iniulat na bumubuo ng 133 team para sa “cyber mission force” nito pagsapit ng 2018, at ang 27 sa kanila ay susuporta sa artillery at aircraft combat missions. Sila ay makikipagsagupaan sa binuo namang “specialized military network forces” ng China, “Bureau 121” hackers ng North Korea, at maging sa hacktivists ng Anonymous at ng iba pang pribadong proyekto.
Ayon sa isang ulat, ang daan-daang mga isla at reefs sa Spratly sa South China Sea ay nagiging sentro ng bagong cyber Cold War, at may nagaganap na cyber attacks hindi lang sa military drones ng Amerika kundi maging sa websites ng pamahalaan ng Pilipinas at ng Vietnam.
Ang mga nangyayaring ito ang dahilan ng imbestigasyong isinasagawa ng US sa iniulat na cyber attacks ng Russians sa katatapos na presidential election sa Amerika. Sa isang sekretong pagtatasa ng Central Intelligence Agency (CIA) ay iniulat na pinakialaman ng Russia ang election, na-hack ang emails ng Democratic National Committee at ng hepe ng kampanya ni Hillary Clinton, at ang iba pa. Isang opisyal ng US official ang iniulat na nagsabing, “It is the assessment of the intelligence community that Russia’s goal here was to favor one candidate over the other, to help Trump get elected. That’s the consensus view.”
Tulad ng inaasahan, ikinaila ng transition team ni President-elect Donald Trump ang ulat. Ang anumang kumpirmasyon na na-hack ng Russians ang proseso ng eleksiyon sa US ay tiyak na kukulapol ng mantsa sa pagkakahalal ni Trump. Sa isang interbyu, sinabi ni Trump na nahaluan na ng pulitika ang intelligence. Sa pangamba na isasantabi lamang ni Trump ang isyu sa pagsapit ng kanyang inauguration sa January 20, 2017, humiling ang Democrats sa Congress kay President Barack Obama ng classified briefing.
Tunay na kritikal ang panahong ito sa US government. Matagal nang pinatotohanan ang nagaganap na cyberwar. Sa pagsisikap ng ilang kalabang bansa na gamitin ito upang guluhin ang US elections, halos inaasahan nang magaganap ito.
Nakalulungkot lamang na ang pangkalahatang epekto nito ay ang mantsa sa pagkakapanalo ni Trump.
Hindi inaasahan na mababaligtad nito ang resulta ng eleksiyon pero ang bagong presidente ng Amerika – at ang lahat ng iba pang susunod sa kanya sa mga taong darating – ay mabubuhay sa katotohanan ng cyberwar. Ang ilang hindi kaibigang bansa, hindi man makapanakit sa sinaunang pamamaraan, ay makapanggugulo sa pamamagitan ng bagong larangang ito na mahirap matuklasan at lubhang mahirap matunton.