Pinaiimbestigahan ni Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary Rafael “Paeng” Mariano ang pagkakabaril sa pitong magsasaka, kabilang ang isang teenager, sa Tagum City, Davao Del Norte matapos paputukan ng mga security guard sa banana plantation ng isang malaking kumpanya sa lugar na nais umanong “kumamkam sa lupain ng mga magsasaka.”
Inatasan ni Mariano ang mga opisyal ng DAR-Region 11 na kaagad siyasatin ang insidente, sa tulong ng pulisya, upang makasuhan ang mga may sala.
Lunes nang tinangka umano ng mga security guard ng plantasyon ng saging sa Barangay Madaum na okupahin ang lupaing iginawad noong 2015 sa mga magsasaka mula sa grupong Madaum Agrarian Reform Beneficiaries, Inc. (M-ARBI).
Sa pahayag ni Renante Mantos, kinatawan ng mga magsasaka, makikipag-usap sana sila sa pinuno ng mga guwardiya nang magpaputok ng baril ang mga ito na lubhang ikinasugat ng dalawa sa pitong biktima na sina Jojo Robles at Rico Saladaga. (Rommel P. Tabbad)