SA Oslo, Norway nitong Sabado, iginawad ang Nobel Peace Prize kay Colombian President Juan Manuel Santos dahil sa pagsisikap niyang matuldukan ang kalahating siglo nang digmaang sibil na kumitil sa buhay ng mahigit 220,000 katao at nagbunsod upang maitaboy ang nasa walong milyong katao sa pinakamatagal na labanan sa Western Hemisphere.
Ang Colombia ay nasa kabilang panig ng ating planeta sa South America ngunit nakaka-relate ang mga Pilipino sa nasabing bansa sa maraming aspeto. Matagal na rin tayong ginigiyagis ng insurhensiya at rebelyon na dulot ng komunistang New People’s Army (NPA) na nagsimula noong 1969, o 47 taon na ang nakalipas. Nagsisikap din tayong matuldukan ang insurhensiyang ito sa ating bansa sa pamamagitan ng usapang pangkapayapaan sa Oslo, Norway.
Gaya ng Colombia, may problema rin tayo sa ilegal na droga, maliban na lang sa katotohanang bagamat napakaraming adik sa shabu o methamphetamine sa bansa, mas malaki ang suliraning kinahaharap ng Colombia sa mga drug lord na kabilang sa pinakamalalaking pinagmumulan ng cocaine sa mundo. Noong 2014, tinaya ng United Nations sa 69,000 ektarya ang plantasyon ng coca sa Colombia, dinaig ang pinagsamang taniman sa Peru at Bolivia. Ang coca ang pangunahing sangkap ng cocaine, ang droga na matinding pinoproblema sa Amerika at Europa ngayon.
Kapayapaan ang pangunahing naisasaalang-alang sa magkapanabayang problemang ito sa Colombia — ang insurhensiya ng mga makakaliwa, sa pangunguna ng Revolutionary Armed Forces of Colombia (FARC) at ang mga drug lord na may malawak na taniman ng coca, at ang kabuuang taunang kita ay tinatayang aabot sa pagitan ng $200 million at $3.5 billion.
Nabigo ang paunang kasunduang pangkapayapaan sa FARC, nang 50.2 porsiyento ang tumanggi rito sa isang referendum, ngunit kaagad na bumuo si President Santos ng bagong kasunduan na sumaklaw sa lahat ng kinontra sa referendum at naaprubahan na ito ngayon ng Kongreso ng Colombia. Ngayong natuldukan na ang insurhensiya, matututukan na niya ang problema sa droga.
Sa kanyang talumpati nang tanggapin ang Nobel award, binalewala ni President Santos ang inihanda niyang talumpati upang maglahad ng kanyang opinyon tungkol sa suliranin sa droga. “After decades of fighting against drug trafficking, the world has still been unable to control this scourge that fuels violence and corruption throughout our global community,” sinabi niya. “The manner in which this war against drugs is being waged is equally or perhaps even more harmful than all the wars the world is fighting today combined.”
Suportado ng mundo si President Santos, kabilang na ang Pilipinas sa ilalim ng bago nating presidente na si Pangulong Duterte, sa pagharap niya sa mga drug cartel at sa isang pandaigdigang merkado na sumasaklaw sa Amerika, sa Europa, at sa iba pang panig ng mundo.