DAGUPAN CITY, Pangasinan - Malaki ang posibilidad na ipatigil na ng lokal na pamahalaan ng Dagupan City ang paggawa ng mga paputok sa siyudad dahil sa masamang dulot nito sa kalusugan bukod pa sa panganib ng kamatayan.

Sinimulan na ni Mayor Belen Fernandez ang pagtalakay sa epekto ng paputok at bumuo na rin ng task force, na kinabilangan ng Bureau of Fire Protection (BFP), Dagupan City Police, at City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC).

Sa media forum kamakailan, sinabi ni Fernandez na malaki ang posibilidad na tuluyan nang ipatigil ang paggawa at paggamit ng paputok sa lungsod.

Ayon sa alkalde, bukod sa nagdudulot ng pinsala sa katawan at kamatayan, posible rin itong pagmulan ng sunog.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Ilang taon na ang nakalipas nang isang lalaking trabahong sa pagawaan ng paputok sa Barangay Bacayao ang namatay, habang noong 2015 naman ay ilan ang naputulan ng bahagi ng katawan.

WORK STOPPAGE

Sa Cebu, bagamat inirekomenda na ng Department of Labor and Employment (DoLE)-Region 7 ang pagbawi sa work stoppage laban sa 96 na gumagawa at nagbebenta ng paputok sa Bgy. Babag, Lapu-Lapu City, hinihintay pa rin ng mga apektadong negosyante ang pinal na pag-apruba rito ni Labor Secretary Silvestre Bello.

Sinabi ni DoLE-Region 7 Director Exequiel Sarcauga na hanggang kahapon ay wala pa ring tugon si Bello sa nabanggit na rekomendasyon, kaya hindi pa makabalik sa trabaho ang mga gumagawa at nagbebenta ng paputok.

Ipinalabas ni Bello ang work stoppage order dalawang linggo na ang nakalilipas makaraan ang serye ng pagsabog sa mga pagawaan ng paputok sa Bulacan.

Ang Bgy. Babag sa Lapu-Lapu City ang ikinokonsiderang firecracker capital ng Cebu, at dinarayo ng mga mamimili mula sa Bohol, Siquijor, Negros, at ilang bahagi ng Mindanao lalo na tuwing bago mag-Bagong Taon.

(Liezle Basa Iñigo at Mars W. Mosqueda, Jr.)