May panibagong reklamong kriminal na kinahaharap si Senator Leila De Lima matapos na muli siyang pormal na sampahan ng kaso sa Department of Justice (DoJ) kahapon.
Pormal na isinampa ng Kamara ang reklamo laban kay De Lima dahil sa umano’y pag-uutos sa dating driver niyang si Ronnie Dayan na huwag sumipot sa pagdinig ng House committee on justice kaugnay ng bentahan umano ng droga sa New Bilibid Prison.
Reklamong paglabag sa Article 150 ng Revised Penal Code, na tumutukoy sa pagsuway o hindi pagsunod sa patawag ng Kamara, ang isinampa sa DoJ laban sa senadora.
Ang nasabing paglabag ay may katapat na parusang multa o pagkabilanggo ng hanggang anim na buwan.
Personal na tinanggap ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II ang reklamo mula kay House Justice Committee Chairman Reynaldo Umali.
Kasabay nito, kinilala naman ng isang international political magazine si De Lima sa pagtataguyod sa karapatang-pantao at pagkontra sa mga polisiya ng “extremist leader” na si Pangulong Duterte.
Napabilang si De Lima sa 100 Foreign Policy Global Thinkers na pinarangalan sa Washington D.C. sa Amerika.
Ginawaran ng pagkilala ang senadora isang araw makaraang pormal na ihain ng Kamara sa Senado ang ethics complaint laban sa kanya, kaugnay ng pagbalewala niya sa show-cause order. (Beth Camia at Leonel Abasola)