Inihayag kahapon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nasa 23 katao pa ang nananatiling bihag ng Abu Sayyaf Group (ASG), kasunod ng pagpapalaya ng mga bandido sa dalawang Indonesian nitong Lunes.
Ayon kay AFP Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla, 18 dayuhan at limang Pinoy ang bihag pa rin ng Abu Sayyaf sa Sulu at Basilan.
Sinabi ni Army Major Filemon Tan, Jr., tagapagsalita ng Western Mindanao Command (WestMinCom), na kabilang sa mga dayuhang bihag ang isang Dutch, isang German, isang Korean, anim na Vietnamese, limang Malaysian at apat na Indonesian.
Tiniyak naman ng AFP na ipagpapatuloy ng militar ang pinaigting na opensiba laban sa Abu Sayyaf habang tinatangkang iligtas ang mga natitirang bihag nito.
Una nang kinumpirma ng AFP nitong Lunes ang pagpapalaya ng ASG sa dalawang Indonesian na sina Mohammad Nazer, 62; at Robin Peter, 32, kay Moro National Liberation Front (MNLF) Commander Tahir Sali sa Indanan, Sulu.
Kaagad na isinailalim sa medical checkup ang dalawa sa Kuta Heneral Teodulfo Bautista (KHTB) trauma hospital, ayon kay Tan.
Pormal namang nailipat na ng WestMinCom sa kustodiya ng Indonesian Embassy, sa pamamagitan ng protocol officer na si Pak Wiba, sina Nazer at Peter bandang 9:30 ng umaga kahapon.
Ayon sa AFP, sina Nazer at Peter ang natitira sa pitong tripulante ng T/B Charles na dinukot ng ASG sa Simisa, Sulu noong Hunyo 22, 2016.
Sinabi ni Tan na pinalaya ng mga bandido ang dalawa matapos ma-pressure ng MNLF at sa walang patid na operasyon ng Joint Task Force (JTF) Sulu. (FER TABOY at FRANCIS WAKEFIELD)