Bumagsak sa mga kamay ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang parak na naka-absent without leave (AWOL), at tatlo pang katao na umano’y tulak ng ilegal na droga sa Quezon City, iniulat kahapon.
Kinilala ni QCPD Director Police chief Supt. Guilor Lorenzo T. Eleazar ang inarestong parak na si SPO1 Allan Tuparan, alyas “Tata Allan”, nakatalaga sa Regional Public Safety Battalion (RPSB) sa National Capital Regional Police Office (NCRPO).
Habang ang tatlo niyang kasama ay kinilalang sina Shirley Mae Layog, 24, ng Antipolo City; Ruby Turingan, 36, ng Cubao, Quezon City; at Mark Oliver Puriran, 27, ng Bgy. Fairview, Quezon City.
Base sa imbestigasyon, dakong 2:00 ng hapon, nang makumpirma ang kinaroroonan ni Tuparan ay agad itong sinalakay ng mga operatiba na ikinagulat ng mga suspek.
Nakumpiska sa mga suspek ang P500 drug money, sachet ng shabu, P12,000 boodle money at mga drug paraphernalia.
Kasalukuyang nakapiit sa Camp Karingal ang mga suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa R.A 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Jun Fabon)