Apat na lalaki ang minasaker ng mga ‘di pa nakikilalang armado habang abala umano ang apat sa pot session sa loob ng isang drug den sa Barangay Maybunga, Pasig City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang mga biktima na sina Bernie Halcon, ng 390 Purok 5, Bgy. Maybunga; alyas “Onay”, ng Pag-asa, Bgy. Caniogan; alyas “Olan”, ng Bgy. Rosario at alyas “Jayson”, ng Bgy. Maybunga.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga suspek na tinatayang aabot sa anim na katao at mabilis na nagsitakas lulan sa tatlong motorsiklo.
Sa imbestigasyon ni SPO1 Hermel Vergara, ng Pasig City Police, dakong 11:50 ng gabi nangyari ang insidente sa mismong bahay ni Halcon na nagsisilbi umanong drug den.
Sa salaysay sa pulisya ng testigong si Donna Pinga, natutulog na siya noong mga oras na iyon nang magising sa sunud-sunod na putok ng baril.
Kaagad namang rumesponde ang mga miyembro ng Barangay Security Force (BSF) ng Bgy. Maybunga at tuluyang bumulaga ang bangkay ng mga biktima na nakabulagta at tadtad ng tama ng bala sa ulo at katawan.
Ayon sa mga pulis, posibleng may session ang mga biktima nang isagawa ang krimen matapos marekober sa lugar ang iba’t ibang uri ng drug paraphernalia at shabu. (Mary Ann Santiago)