Tiniyak ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na magiging patas ang imbestigasyon na kanyang iniutos sa National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng napaulat na suhulan sa Bureau of Immigration (BI) na kinasasangkutan ng dalawang komisyuner ng kawanihan.

Kapwa kasi brod ng kalihim sa Lex Talionis fraternity sa San Beda College of Law sina Deputy Commissioners Al Argosino at Mike Robles, na umaming tinanggap ang P30 milyon pesos mula sa kampo ng online gaming tycoon na si Jack Lam.

Gayunman, iginiit ng dalawa na tinanggap nila ang nasabing halaga para gamiting ebidensiya.

Hindi rin umano makaaapekto sa imbestigasyon ang P30 milyon cash na nai-turnover nina Argosino at Robles sa Department of Justice (DoJ) para sa safekeeping.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Sinabi pa ni Aguirre na inirekomenda na niya kay Pangulong Rodrigo Duterte na masibak sa puwesto sina Argosino at Robles.

Kasabay nito, umapela kahapon si Aguirre sa publiko na pagkatiwalaan siya, dahil tinitiyak niya na magiging patas siya sa imbestigasyon sa bribery scandal.

Wala umano siyang papaboran kahit sino pa ang sangkot sa kontrobersiya.

Kaugnay naman kay BI acting Intelligence Chief Charles Calima, na mismong si Aguirre ang nagtalaga, sinabi niyang mas makabubuti kung maghahain din ito ng leave, gayundin ang iba pang sangkot sa kontrobersiya. (BETH CAMIA)