NALALAPIT na ang Pasko at hindi na maiiwasang lumala pa ang trapiko sa Metro Manila. Inasahang kahit paano ay makahahanap ng paraan ang mga opisyal ng bagong administrasyon upang maibsan ang problema, ngunit hinihintay pa nila ang emergency powers na magpapahintulot sa kanilang pabilisin ang mga proseso—gaya ng bidding para sa mga bagong proyekto—na karaniwan nang inaabot ng siyam-siyam.
Sa kasalukuyan, mayroong mga pagsisikap upang mabawasan ang pagsisikip ng trapiko sa pagbibigay ng mga alternatibong paraan ng transportasyon para sa mga taga-Metro Manila. Inilunsad nitong Biyernes ng Inter-Agency Council on Traffic (IACT) ang shuttle service para sa mga pasahero ng Pasig River Ferry System. Ang mga pasahero ng ferry na bumababa sa mga istasyon sa Guadalupe at Escolta ay maaari nang sumakay ng bus diretso sa mga opisina at negosyo sa Taguig at Manila, ayon sa pagkakasunod.
Dinagdagan naman ng Metro Rail Transit (MRT), na bumibiyahe sa Epifanio de los Santos Ave. (EDSA), ang mga tren nitong bumibiyahe sa 16.9-kilometrong ruta. Gayunman, dahil matindi ang pangangailangan sa serbisyo nito, napakahaba pa rin ng pila ng mga pasahero tuwing rush hours. Dapat na ipagpatuloy ang pagkukumpuni at rehabilitasyon sa mga luma nitong bagon upang madagdagan pa ang mga bumibiyaheng tren.
Maaaring ikonsidera ng IACT ang ilang panukala at mungkahi mula sa iba’t ibang sektor at ipatupad ang mga ito sa ngayon kung pupuwede, habang wala pa ang hinihintay na emergency powers. Ang isang mungkahi, halimbawa, ay tuluyan nang ipagbawal sa mga lansangan ang mga kolorum na bus. Ang isa pa ay ang pahintulutan ang mga bus na magsakay at magbaba ng mga pasahero sa piling lugar lamang, nang hindi na kinakailangang ilang beses na huminto sa biyahe para sa mga pasaherong nais sumakay at bumaba. Iminungkahi rin ang tuwirang pagbabawal sa mga pribadong sasakyan sa EDSA tuwing rush hours sa umaga at sa gabi.
Mistulang napakabagal ng paggawa sa elevated highway na nag-uugnay sa North Expressway sa South Expressway. Napaulat na napipigilan ang konstruksiyon sa ilang bahagi nito dahil sa komunidad ng mga squatter na nakaharang sa right of way.
Ngayong mayroon na tayong Inter-Agency Council on Traffic, magkakaroon na tayo ng mas sistematikong pagresolba sa trapiko sa Metro Manila. Maaaring matatagalan pa bago ito makapagpatupad ng pangmatagalan at komprehensibong traffic plan ngunit kung anuman ang maaari nitong maisakatuparan ay dapat nang gawin ngayon mismo. Pupuwedeng pag-aralan ang maraming ipinapanukala mula sa iba’t ibang sektor at — kung mapagliliming praktikal at posible — isagawa.
Anim na buwan na sa puwesto ang bagong administrasyon, dapat na ramdam na natin ang kahit kaunting ginhawa sa lagay ng trapiko sa Metro Manila. Patuloy tayong umasa at kalaunan ay masasabi natin — sa isang sulyap lang sa mga sasakyan sa lansangan — kung sa wakas ay nagtagumpay na ang mga itinalagang resolbahin ang matinding trapiko.