pinoy-boyband-superstar-winners-copy

NAKAKABINGI ang mga hiyawan at padyakan ng mga nanood ng Pinoy Boyband Superstar, The Grand Reveal sa bagong tayong stage sa crossroad ng ABS-CBN noong Linggo ng gabi.

Unang in-announce na nanalo noong Sabado si Neil Murillo, tubong Cebu City. Linggo, pagkatapos ng kanilang do or die performances, tinanghal namang panalo sina Russel Reyes, Ford Valencia, Tristan Ramirez at Joao Constancia.

Tinawag na Boyband PH ang kanilang grupo.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Marami ang nanghinayang na hindi nakapasok si Tony Labruska na sa simula pa lang ay marami na ang supporters, pero sa huling gabi ng pagtatanghal ay hindi nagustuhan ng judges na sina Vice Ganda, Sandara Park, Yeng Constantino at Aga Muhlach ang kinanta niyang Kulang Ako Kung Wala Ka na wala raw kabuhay-buhay.

Malaki ang naging epekto ng sinabing ito ng mga hurado sa mga bumoto kay Tony, dahil ilang puntos lang ang inilamang sa kanya ni Tristan na nagulat pa nga nang tawagin bilang pang-apat na nanalo.

Unang nagtanghal si Joao sa awiting Twerk It Like Miley. Hindi man ganu’n kaganda ang boses, idinaan naman niya sa sayaw na pinuri nang husto ng mga hurado.

Sumunod si Tony, ikatlo si Ford na umawit ng Without You, ikaapat si Tristan (Can’t Stop The Feeling), then si Mark (Mangarap Ka) at huli si Russel (All I Ask ni Adelle).

Halatang pasok na sina Joao at Russel dahil sila ang una at ang huling nag-perform. Sila ang may malakas na followers at pampagana.

Inendorso pa ni Aga si Russel na iboto dahil sa maganda at birit niyang pagkanta ng All I Ask.

Ang limang nanalo ay tumanggap ng tig-isang milyong piso, motorsiklo mula sa Yamaha at kontrata sa Star Music.

Bukod sa performances ng PBS, agaw-pansin ang napakagandang itinayong stage at tama lang na sa open air ito sa rami ng mga ilaw na hi-tech at pawang LED, ganoon din ang apat na minutong fireworks at confetti.

Sitsit ng taga-production, duda nila ay umabot sa P10M ang nagastos sa stage kasama na ang fireworks, confetti at lahat ng paghahanda para sa finale night.

“Halos lahat ng santo ay tinawag na namin na sana huwag umulan noong Sabado at Linggo kasi nga open air, nakakatakot dahil ‘pag umulan, hindi na magagamit ‘yung buong set, delikado, baka magputukan, may makuryente pa. Kaya sobrang stressed lahat sa production,” kuwento ng source namin sa Dos.

Pero ang bonggang stage ay hindi naman pangmatagalan dahil parking lot pala iyon ng ABS-CBN, ginamit lang para sa pagtatapos ng Pinoy Boyband Superstar.

“Pero gagamitin pa para sa Christmas Party ng ABS-CBN employees, then after that, babaklasin na,” sabi sa amin.

Congratulations sa buong team ng PBS dahil napakaganda at mabilis ang pacing ng show. ‘Yan ang maganda sa live, hindi nakakabagot panoorin.

Samantala, ang papalit sa PBS ay ang Your Face Sounds Familiar Kids edition na magkakaroon na ng taping sa December 21 at sa Enero naman ang airing. (REGGEE BONOAN)