Walang nakikitang mali si Senator Panfilo Lacson sa pag-alis ni Senator Leila de Lima nitong Linggo papuntang Amerika at Germany dahil bahagi ito ng trabaho ng una bilang senador.

Ayon kay Lacson, walang warrant of arrest at wala ring hold departure order (HDO) si De Lima kaya malaya itong magbiyahe.

“I don’t see anything wrong with her leaving kasi wala namang warrant of arrest against her, eh. Wala namang court order na may HDO,” ani Lacson, idinagdag na biniro pa nga niya ang senadora.

“In jest, sabi ko sa kanya, bumalik ka. Huwag mo akong gayahin. So, sabi naman niya, ‘babalik talaga ako’, dahil haharapin niya raw ‘yung kaso,” ani Lacson.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Mawawala sa bansa mula Disyembre 11 hanggang 22, tatanggap si De Lima ng parangal sa Amerika at pagkatapos ay magtatalumpati sa Annual Conference on Cultural Diplomacy sa Berlin, Germany.

Matatandaang nagtago si Lacson noong 2010 matapos sampahan ng double murder kaugnay ng pagpatay kina Salvador “Bubby” Dacer at Emmanuel Corbito.

Samantala, pormal nang naghain kahapon ng ethics complaint ang House committee on justice sa Senado sa hiling na patawan ng parusa si De Lima sa pag-uutos nito sa dating driver na si Ronnie Dayan na huwag dumalo sa pagdinig ng Kamara.

Sinabi naman ni Senate committee on ethics and privileges chairman, Senate Majority Leader Vicente Sotto III, na magiging patas siya sa gagawing pagdinig sa reklamo laban sa kapwa senador, at isasapubliko ito.

(Leonel M. Abasola at Hannah L. Torregoza)