Magkaiba ang naging resulta ng huling laban nina International Master Haridas Pascua at Woman IM Janelle Mae Frayna subalit kapwa nakatipon nang hinahangad na ranking points ang dalawang pamosong Pinoy woodpusher sa pagtatapos ng Philippine International Chess Championships nitong Linggo sa Subic Bay Peninsular Hotel sa Zambales.

Nabigo si Pascua kontra WGM Lei Tingjie ng China sa 53 moves ng Symmetrical English Opening habang tinalo ni Frayna ang nakatapat na si WGM Subbaraman Vijayalakshmi sa 20 moves ng Queen’s Pawn Game sa huling round upang kapwa tapusin ng dalawa ang kani-kanilang kampanya na makaipon ng mahirap na rating points.

Tumapos si Pascua sa grupo na nasa 11th puwesto na may natipong limang puntos upang makamit ang 12.4 points at mapataas ang kanyang ratings sa 2401 tungo sa 2413.4 habang si Frayna ay nagtala ng 4.5 puntos upang iuwi ang 3.2 puntos at iangat ang kanyang rating sa 2323.2 mula sa dating 2320.

Asam ni Pascua na maabot ang 2500 rating upang maging ika-12 grandmaster ng bansa habang si Frayna ay tutok sa pagtuntong nito sa 2400 ELO upang maging pinakaunang babaeng GM at men’s IM title-holder.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

May pagkakataon pa ang dalawa na makatipon ng mga inaasam na puntos sa ikalawang leg na nakatakdang simulan Martes na gaganapin din sa parehas na lugar.

Huling nagsagupa sina top seed Chinese GM Wang Hao at ang third seed na si Russian GM Boris Savchenko sa napakahabang 116-move standoff para sa titulo.

Tumapos si Hao na katabla ang Vietnamese GM na si Tran Tuan Minh, tinalo naman ang No. 6 Vladislav Kovalev ng Belarus sa 60 moves ng super-sharp Sicilian, sa unang puwesto na may 6.5 bawat isa. Gayunman, nakuha ni Hao ang titulo at ang US$ 7,000 premyo dahil sa win-over-the-other tiebreaker.

Pumangatlo si Lei habang si Indian IM Puranik Abhimanyu ang pumang-apat.

Ang mga Pinoy na sina IM Jan Emmanuel Garcia, IM Emmanuel Senador, GM John Paul Gomez at GM Joey Antonio ay tumapos din na may limang puntos tulad ni Pascua.

Samantala, sinabi ni NCFP executive director GM Jayson Gonzales na mas magiging matindi ang ikalawang leg dahil uuwi sa bansa sina GMs Mark Paragua, Eugene Torre at Darwin Laylo upang lumahok sa torneo. (Angie Oredo)