Nagkumahog kahapon ang mga motorista sa pagpapakarga ng petrolyo sa kani-kanilang sasakyan upang hindi maapektuhan ng panibagong big-time oil price hike na ipatutupad ng Flying V at Pilipinas Shell ngayong Martes.
Sa pahayag ng Flying V, epektibo dakong 12:01 ng umaga ngayong Martes ay magtataas ito ng P1.45 sa kada litro ng kerosene at P1.40 naman sa gasoline at diesel nito.
Hindi naman nagpahuli ang Shell at Chevron, na magpapatupad din ng kaparehong dagdag-presyo sa petrolyo bandang 6:00 ng umaga ngayong Martes.
Sinundan ito ng Phoenix Petroleum Philippines, na magpapatupad ng katulad na price increase sa gasoline at diesel nito.
Asahan na ang pagsunod ng ibang kumpanya ng langis kahit hindi pa naglalabas ng abiso ang mga ito.
Samantala, batay sa huling monitoring report ng Department of Energy, umaabot na ang diesel sa P26.15-P30.85 kada litro, habang P34.60-P45.50 naman ang gasolina sa Metro Manila. (Bella Gamotea)