Mahigit 5,000 bilanggo ang pansamantalang pinalabas sa kani-kanilang selda sa Metro Manila District Jail sa Camp Bagong Diwa,Taguig City at pinagsama-sama sa basketball court para sa one time big time at sorpresang “Oplan Greyhound at Galugad” ng National Capital Region Police Office (NCRPO), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at Bureau of Immigration (BI), kahapon ng umaga.

Ito ay matapos makatanggap ng impormasyon si NCRPO Director, Chief Supt. Oscar Albayalde na may bentahan ng droga sa nasabing piitan, partikular sa selda ng mga Chinese inmate.

Pasado 9:00 ng umaga nang dumating sa Metro Manila District Jail ang mahigit 300 operatiba ng NCRPO na pawang naka-full battle gear, kasama ang mga tauhan ng BJMP at BI para inspeksiyunin ang lahat ng selda.

Nasamsam ng raiding team ang 70 plastic sachet na may hinihinalang shabu, drug paraphernalia, hindi pa mabatid na cash, mga patalim, 50 cell phone, telebisyon, ilang laptop computer, chips na ginagamit sa casino, listahan ng mga pangalan at bank accounts.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Masusing bineberipika ng NCRPO ang mga pangalang nakalagay sa natagpuang listahan na nagsisilbi umanong record ng mga inmate na posibleng may kinalaman sa transaksiyon sa ilegal na droga. (Bella Gamotea)