Malubhang nasugatan ang isang matadero matapos saksakin ng dalawang lalaki nang pauwiin niya ang kanyang pamangkin na kalaro ng mga ito sa sugal sa Quiapo, Maynila nitong Linggo.
Patuloy na nagpapagaling sa ospital si Ronillo Federico, 34, ng 24 Ozamis Street, Quiapo, Maynila na nagtamo ng mga saksak sa braso.
Tinutugis naman ng mga awtoridad ang itinuturong suspek na sina alyas “Jay-jay” Macaraig at “Birador” na kalaro umano ni Kenneth, pamangkin ni Federico, sa cara y cruz.
Sa ulat ni Police Chief Insp. Michael Garcia, deputy station commander ng Manila Police District (MPD)-Station 3, dakong 11:30 ng gabi nangyari ang pananaksak.
Abala umano sa paglalaro si Kenneth at ang dalawang suspek nang pagsabihan ni Federico ang pamangkin na tumigil na pagsusugal at umuwi na.
Gayunman, tumanggi umano si Kenneth na umuwi at nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng magtiyuhin, hanggang sa makialam na ang mga suspek at pinagsasaksak ang biktima gamit ang basag na bote ng alak. (MARY ANN SANTIAGO)