KUNG ihahambing sa magkakapatid, ang malamig na buwan ng Disyembre ang pinakabunso. Ito ang huling buwan sa kalendaryo, pinakahuli sa apat na “BER” month (September, October, November, December). Ngunit marami ang nagsasabi na nakahihigit naman ito sa tatlong BER month sapagkat ang Disyembre ay makulay, masaya at makasaysayang buwan.

Tinatawag din na buwan ng pag-asa at pag-ibig sapagkat pagsapit ng ika-25 ng Disyembre, ginugunita at ipinagdiriwang ng mga Kristiyanong Katoliko ang Pasko na pagsilang kay Jesus—ang Dakilang Mananakop na pangakong Alay ng Diyos Ama sa sangkatauhan. Ang hatid na mensahe ng Pasko ay kapayapaan, pag-ibig, at pag-asa.

Bukod sa nabanggit, tuwing Disyembre 8, ipinagdiriwang sa iniibig nating Pilipinas at iba pang bansang Katoliko sa daigdig ang kapistahan ng Immaculada Concepcion (Immaculate Conception) kay Birheng Maria— ang Pinagpalang Ina ng Diyos at Patroness ng Pilipinas na tinawag naman na “Pueblo Amante de Maria” o Bansang Minahal ni Maria. At bilang mga Kristiyano, ang mga Pilipino sa kasaysayan at kultura ay nakilala na sa pagkakaroon ng malalim na debosyon kay Maria o Mahal na Birhen. Ang inyong lingkod ay isa nang deboto ng Mahal na Birhen mula nang mag-aral sa Unibersidad ng Sto. Tomas hanggang sa magturo sa seminaryo ng mga Redemptorist Fathers at La Salle Green Hills.

Makulay ang Disyembre at masasabing buwan na naliligo sa liwanag sapagkat patuloy na tumitingkad ang mga ilaw na may iba’t ibang kulay. Ito ay nagkalat sa harap ng mga gusali ng pamahalaan, sa mga plasa sa mga bayan sa lalawigan.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Marami ang humihinto sa harap o tabi ng Christmas tree at nakangiting kumukuha ng litrato.

Naliligo rin sa liwanag ang mga Christmas tree sa 13 bayan at isang lungsod sa Rizal na yari sa mga recycled materials. Kalahok sa timpalak ang mga Christmas tree na inilunsad ng pamahalaang panlalawigan. Ito ay bahagi ng YES (Ynares Eco System) To Green Program na flagship project ni Rizal Gov. Rebecca Nini Ynares na may kaugnayan sa environmental protection sa lalawigan.

May hatid na galak ang Disyembre sa mga manggagawa at empleyado sapagkat matatanggap na nila ang kanilang mga bonus at 13th month pay. Gayundin ang mga empleyado sa pamahalaan at mga SSS pensioner na umaasang matutupad ang pangakong dagdag na P1,000 sa Enero 2017. May pandagdag sa pambili ng kanilang mga gamot.

Sa mga ina at ama, sa natanggap na... 13th pay at bonus ay maibibili na nila ng bagong damit at sapatos sa ukay-ukay o tiangge ang kanilang anak na sina Nene at Totoy. Magagamit sa pagsisimba at pamamasko. Makabibili rin ng kanilang pagkain sa Noche Buena.

At pagsapit ng madaling araw ng Disyembre 16, simula na ng Simbang Gabi. Ang siyam na sunud-sunod na madaling araw na pagdaraos ng Misa de Gallo sa mga Simbahan sa mga bayan at lungsod sa mga lalawigan. Ito ay paghahanda sa pagdating at pagdiriwang ng Pasko.

Isa rin sa mga dahilan kung bakit makasaysayan ang Disyembre ay dahil tuwing ika-30 ng Disyembre ginugunita ang martyrdom ni Dr. Jose Rizal. (Clemen Bautista)