PALIBHASA’Y angkan ng magbubukid, naniniwala ako na isang gintong pagkakataon ang plano ng Commission on Higher Education (CHED) hinggil sa three-year degree program on agriculture upang mahikayat ang mga anak ng magsasaka na mag-aral ng agrikultura. Epektibong paghahanda ito upang sila ang pumalit sa kanilang mga magulang na tumatanda na sa pagbubungkal ng bukirin.

Ang naturang CHED plan ay kinapapalooban ng pagpapaikli ng kurso sa agrikultura upang ang kabataan, lalo na nga ang anak ng mga magbubukid ay kaagad o maagang maisingkaw sa pagsasaka. Ang unang dalawang taon nila sa kurso ay iuukol sa pagsasanay sa bukirin o on-the-job training; ang ikatlong taon ay para naman sa paghahanda ng kanilang pananaliksik o thesis tungkol sa agricultural entrepreneurship. Higit na maikli ito kaysa sa karaniwang 4-5 year agri-courses sa mga agricultural college and university.

Maging si Atty. Al Abesamis, provincial administrator ng Nueva Ecija at mula rin sa pamilya ng magsasaka, ay kumbinsido na ang nasabing plano ng CHED ay napapanahon; marapat na samantalahin ng mga kabataan ang pagkakataong mag-aral ng agrikultura, lalo na ngayon na mahigpit ang pangangailangan upang magkaroon ng sapat na ani hindi lamang sa aming lalawigan, kundi maging sa buong bansa.

Hindi magiging mahirap sa kanila ang pag-aaral ng pagsasaka sapagkat ang mismong paaralan tungkol dito – ang Central Luzon State University (CLSU) ay matatagpuan sa Nueva Ecija. Bukod pa rito ang University of the Philippines Los Baños (UPLB) na madali nang mararating ng mga farmer-student mula sa Laguna at mga karatig na lalawigan.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Wala rin akong makitang dahilan upang ang nabanggit na CHED plan ay hindi katigan ni Gov. Cherry Umali ng Nueva Ecija – ang lalawigan na itinuturing na ‘rice granary of the Philippines’. Sa pamamagitan ng provincial at mga municipal agriculturist, hindi marahil isang kalabisang imungkahi na marapat lamang atasan niya ang nasabing mga opisyal na hikayatin ang mga anak ng magsasaka na samantalahin ang plano ng CHED. Maaari nilang maging katuwang sa makabuluhang misyong ito ang kagawad ng mga barangay, kabilang ang mga magulang ng mga kabataan.

At hindi rin marahil isang kalabisang maglambing kay Agriculture Secretary Manny Piñol na magbunsod ng isang scholarship program para sa naturang farmer-students. Bilang isang kapatid sa peryodismo, natitiyak ko na ito ay pag-uukulan niya ng positibong pagsasaalang-alang. Natitiyak ko rin na batid niya ang kahalagahan ng gayong pagsisikap sapagkat ito ay makatutulong sa pagkakaroon ng sapat na ani o rice-sufficiency – ang pangarap na kinabiguan ng nakalipas na mga administrasyon. (Celo Lagmay)