PRESIDENT QUIRINO, Sultan Kudarat - Isang dating konsehal at dalawa niyang kaanak ang namatay, habang malubha naman ang isa pa, matapos silang paulanan ng bala habang nagbi-videoke sa kanilang family reunion sa Purok Masagana, Barangay Katiku sa bayang ito, nitong Linggo ng gabi.
Kaagad na nasawi si Peter Dumrigue, 38, may asawa, dating konsehal ng President Quirino at talunang mayoral candidate noong Mayo, gayundin ang kapwa kaanak niyang sina Ernesto “Junjun” Ayson, Jr., nasa hustong gulang, binata, manggagawa; at Florante Guillermo, nasa hustong gulang, biyudo, magsasaka, pawang taga-Bgy. Katiku.
Maselan naman umano ang lagay ni Hector “Oyet” Mateo, Sr., 46, may asawa, driver, at residente rin sa nasabing barangay.
Batay sa pahayag ng Sultan Kudarat Police Provincial Office (SKPPO), dakong 6:35 ng gabi at kumakanta si Dumrigue sa videoke nang bigla silang pagbabarilin ng isa sa tatlong suspek.
Gumanti rin umano ng putok ang mga security escort ni Dumrigue na sina SPO1 Jonathan La Forteza at Cpl. Ruel Dordas ngunit hindi tinamaan ang suspek, na mabilis na tumakas sakay ng motorsiklo.
Hindi na umabot nang buhay sa ospital sina Dumrigue, Ayson at Guillermo, habang ginagamot pa at kritikal si Mateo.
Nakuha ng Scene of the Crime Operations (SOCO) sa lugar ang 17 basyo ng bala ng M-16 armalite rifle.
Away-pulitika ang tinitingnang motibo ng mga awtoridad sa pamamaril, na pinaniniwalaang si Dumrigue ang target at nadamay lang ang mga kaanak nito. (Leo Diaz at Fer Taboy)