Patay sa loob ng 24 oras ang tatlo umanong tulak ng ilegal na droga na pawang nasa listahan ng drug watch list ng Quezon City Police District (QCPD).
Sa report ni QCPD Director Police Chief Supt. Guilor Lorenzo T. Eleazar, kinilala ang isa sa mga napatay na si Rodolfo Iroso, alyas “Negro”, 45, ng Ildefonso Street, Barangay Nagkaisang Nayon, Novaliches, Quezon City.
Dakong 8:00 ng gabi kamakalawa, nakatayo si Iroso sa isang karinderya nang dumating ang riding–in–tandem at binaril ang una sa ulo.
Nauna rito, dakong 6:30 ng gabi, bumulagta naman sina Elmer Onio, alyas “Butsoy”, 37, ng Lazaro Compound, Magsaysay Extension, Doña Faustina, Bgy. San Bartolome; at Manuel Barsana y Quintos, alyas “Maloy”, 38, ng Bgy. E. Rodriguez, Cubao matapos makipagbarilan sa mga operatiba ng Station Anti–Illegal Drugs (SAID) ng QCPD-PS4.
Narekober mula kay Onio ang isang kalibre .45, siyam na plastic sachet ng shabu at drug money na P500.
Nakuha naman mula kay Barsana ang isang kalibre .45, pitong plastic sachet ng shabu at drug money na P500.
(Jun Fabon)