CABANATUAN CITY – Tatlong katao, kabilang ang isang tatlong taong gulang na lalaki, ang nasawi habang limang iba pa ang nasugatan sa karambola sa lungsod na ito.
Sa report ng awtoridad, kinilala ang mga nasawi na sina Valerie Heart Gosuico, 3, ng Barangay Aduas, Cabanatuan City; Dindo Boy Ganotice, 48, ng Bgy. Rang-ayan, Science City of Muñoz; at Jay-Ar Apostol, 15, ng Bgy. Fatima, Pantabangan, Nueva Ecija.
Pasado 7:00 ng gabi nitong Disyembre 9 nang mangyari ang karambola ng anim na sasakyan sa Valdefuente Bridge sa Cabanatuan, na kabilang sa mga nasugatan sina Trixia Kaye Lucas, 25; at Denzel Sta. Maria, 15, kapwa ng Bgy. Aduas, Cabanatuan City.
Nabatid na inararo ng 10-wheeler truck, na minamaneho ng tumakas na si Carlos Bantique, ang isang Toyota Innova, isang kolong-kolong, dalawang tricycle at isang kotse. (Light A. Nolasco)