11-copy

IRIGA CITY – Muling dumadagsa gabi-gabi ang mga tao sa Rizal Park ng Iriga City. Mahigit 3,000 square meters ang plaza na kinaugalian nang pasyalan at pahingahan sa gitna ng central business district ng Rinconada Area.

Ganito ang tagpo rito taun-taon tuwing Pasko, dahil nagiging paboritong pasyalan ng mga taga-Rinconada ang Rizal Plaza ng Iriga, ang nag-iisang siyudad sa 5th District ng Camarines Sur.

Hangad kasi ng pamahalaang lokal na mapasaya ang mga pamilya, lalo na ang kabataan at matatanda. Ngayong taon, mistulang North Pole ang motiff ng loob at labas ng plaza at ganoon din ang Iriga City Hall.

Human-Interest

Anak na napahagulgol sa regalong bagong panty ng Mama niya, kinaantigan

Ayon kay Mayor Madelaine Yorobe-Alfelor, taun-taon ay nagsasagawa sila ng bayanihan upang lalong maging kaaya-aya ang plaza tuwing Kapaskuhan. Napakaraming mga grupo at indibiduwal na tumutulong upang maipadama sa lahat ang diwa ng Pasko.

Mayroong Adopt-A-Tree project ang bawat grupo o institusyon na pangunahing padrino sa mga kakailanganin upang palamutian ang bawat sulok ng plaza, lalo na ang mga punongkahoy.

‘White Christmas’ ang 2016 motiff na kanilang naisip – at muling tumulong ang mga Irigueñong alagad ng sining sa paglilok ng mga miniature at characters gamit ang recycled materials.

Mula sa Belen at sa mga nakapaligid na Polar Bears ay gawa sa recycled items.

“Halos walang gastos ang city government dahil sa bayanihan. Kasi parang naging ritual na sa amin na makipag-coordinate sa mga grupo, organisasyon or even the business sector sa project na ito. Nakakatuwa kasi taun-taon nag-i-improve ang aming Christmas project,” sabi ni Mayor Madel nang kapanayamin ng Balita.

“Natutuwa kami sa excitement ng mga bata. ‘Yung mga mata at ngiti nila, nakakatuwa talaga, kasi lalo na kung wala man lang mga Christmas décor sa bahay nila, so, dito ramdam ng bawat pamilya ang Pasko,” dagdag pa niya.

Libre o walang bayad ang pamamasyal sa parke na bukas 24/7. Ang tanging pakiusap lamang nila ay mapanatiling malinis ang paligid, kaya walang sinumang nagtatapon ng basura. Pinag-iingat at mahigpit ding pinababantayan sa mga magulang ang mga paslit sa paglapit para hindi mapahawak sa mga ilaw at mga kable. Bagamat may nakabantay na security sa buong paligid, mainam na bantayan palagi ang kanilang mga kasamang bata.

Gabi-gabi, tila walang sawa sa pamamasyal ang magkakaibigan, mga mag-anak at magkasintahan dito. Nakakawala raw ng pagod ang kabuuan ng paligid na napakarikit at napakaliwanag sa gabi.

Mula sa himpapawid sa kuha ng drone shots, makikita na namumukod tanging kumikinang ang Rizal Plaza at ang Grotto ng Our Lady of Lourdes. Ayon kay Peter Lagyap ng Iriga City Tourism Office, maging ang mga dumadaang motorista ay hindi makatiis na sumaglit para magpakuha ng picture dito.

Tuwing Kapaskuhan hanggang Bagong Taon, nagsisilbing bukal ng kasiyahan at kabutihang loob ang Iriga Rizal Plaza. At asahan daw na magiging tradisyon na ito sa Rinconada District upang laging masigla ang lahat sa pagdiriwang ng Pasko at sa pagsalubong ng Bagong Taon. (RUEL SALDICO)