Makaraang masorpresa sa kanyang pagkapanalo bilang Conference MVP ng katatapos na Philippine Super Liga Grand Prix, gustong ituon ni Jaja Santiago ang pansin sa darating na UAAP Season 79 volleyball battle na magsisimula sa Pebrero ng susunod na taon.

“Itong isang buong taong experience na ito, lalo akong nai- excite para sa darating na UAAP,” ani Santiago.

“Sa NU ( National University) naman naming susubukan mag champion,” pahayag ng 6-foot-5 middle blocker makaraang tanghaling MVP ng PSL Grand Prix, ang kanyang ikalawa ngayong taon matapos ding tanghaling MVP ng nakaraang Shakey’s V League Collegiate Conference.

Ang ganitong mindset ang siyang inaasahan ni head coach Roger Gorayeb.

“Yan ang sinasabi ko, dapat talaga ganun yung nasa isip nila.Doon sila mag focus and hopefully mahawa niya ‘yung mga teammates nya,” ani Gorayeb.

Manny Pacquiao, nag-ceremonial first pitch sa gitgitan ng Yankees at Athletics

Ikinagulat ni Santiago ang pagkapanalo ng Conference MVP ng PSL Grand Prix dahil mas karapat dapat umano ang kanilang mga imports na sina Lyndsay Stslzer at Ariel Usher dahil sila ang namuno para sa Foton upang maging back- to- back champion sa liga.

Dahil dito, labis ang pasasalamat ni Santiago na nangakong lalo pa niyang pagbubutihin upang maisakatuparan ang hangad na mabigyan ng titulo sa UAAP women’s volleyball tournament ang NU Lady Bulldogs. (Marivic Awitan)