Walang planong magpadama ng diwa ng Pasko ang liderato ng Kamara kay Senator Leila de Lima at determinado silang maghain ng mga kasong kriminal at administratibo laban sa senadora bago mag-Christmas break ang Kongreso ngayong linggo.
Sinabi ni House Majority Floor Leader at Ilocos Norte Rep. Rodolfo “Rudy” Fariñas na desidido silang papanagutin si De Lima dahil “na-violate” ng huli ang Kamara bilang isang institusyon nang balewalain nito ang show-cause order na isinilbi ng Mababang Kapulungan sa Senado halos dalawang linggo na ang nakalilipas kaugnay ng pagpapaliwanag upang hindi ma-cite in contempt.
“Hindi namin ide-defer. Magpa-file na kami. Ready na, marami lang kaming ginawa, pero by Monday nandiyan na ang draft and the Speaker will join as complainant,” sabi ni Fariñas. “We will file criminal cases for violation of the Revised Penal Code and indirect contempt under the Rules of Court. Then we will file a disbarment before the Supreme Court and one ethics complaint before the Senate.”
Aniya, “definitely before our break” ay ihahain na ang mga kasong kriminal at administratibo laban kay De Lima at pangungunahan niya ito, kasama sina House Speaker Pantaleon “Bebot” Alvarez, at Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali, chairman ng House committee on justice.
Una nang sinabi ni Umali na maghaharap ang reklamo ang kanyang komite laban kay De Lima sa Senate committee on ethics, maghahain ng disbarment case sa Korte Suprema, magsasampa ng mga kasong kriminal sa Department of Justice (DoJ) at sa isang regional trial court (RTC) para sa “violation of Article 150 of Revised Penal Code (disobedience to summons) and probably for indirect contempt.” (Charissa M. Luci)