Naniniwala si Senator Antonio Trillanes IV na hindi matatapos ang 2017 ay magkakaroon na ng bagong bise presidente ang Pilipinas.
Ito ang pagtaya ni Trillanes ilang araw makaraang tiyakin ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Vice President Leni Robredo na matatapos ng huli ang kanyang termino kahit pa nagbitiw na ito sa Gabinete at nangakong pangungunahan ang bagong oposisyon.
Sinabi ni Trillanes na hinimok niya si Robredo na huwag paniwalaan ang mga sinabi ni Duterte, na sinabi niyang kilala sa pagpapalit-palit ng isip at pahayag.
“Sabi ko nga, eh, kung panghahawakan niya (Robredo) ‘yan, eh, kagaya na rin ‘yan nung sinabi ni President Duterte na hindi raw siya tatakbo. Wala raw siyang ambisyon. Gusto niyang mag-retire na lang. ‘Di ba maraming sumakay nun, pero tumakbo? Ganyan lang ‘yan (sinasabi niya) para makumpiyansa siya (Robredo),” sinabi ni Trillanes nang kapanayamin ng Radio DWIZ.
“Pero ako, naniniwala ako, hindi matatapos ang 2017, bago na ang vice president,” dagdag ni Trillanes.
Nang tanungin kung may kinalaman ba ito sa election protest ni dating Senator Bongbong Marcos sa Presidential Electorial Tribunal (PET) laban kay Robredo, sumagot ng “Yes” ang senador.
“Yes. I believe so, kasi mukhang ganun ang timeline,” ani Trillanes.
Sinabi ni Trillanes na nakatanggap siya ng impormasyon na minamadali na ng mga kaalyado ni Duterte ang resolusyon sa election protest ni Marcos.
“Kasi ‘yan na ‘yung pinaka-safety net (ni Duterte). ‘Pag napalitan si Vice President Leni Robredo, secured na siya, kasi ‘pagka halimbawa itulak ‘yung impeachment, ang papalit si Bongbong Marcos,” ani Trillanes.
“So ‘di ba kung ‘yung mga ayaw ng ganung scenario, sasabihin bakit gusto pa (natin) ng impeachment? Tyatyagain na lang nila si President Duterte,” paliwanag pa ng senador.
Naniniwala rin si Trillanes na malaki ang posibilidad na makabalik sa Malacañang ang pamilya Marcos. Aniya: “Kung totoo ‘yung nababalitang may karamdaman si President Duterte, eh, ‘di mas mapapaaga pa. By 2022 makakapuwesto na sila,” ani Trillanes. (HANNAH L. TORREGOZA)