INDANG, Cavite – Naaagnas na nang matagpuan nitong Sabado sa isang ilog sa San Pascual, Barangay Guyam Malaki sa bayang ito ang bangkay ng dalagita na iniulat na nawawala matapos makipagkita sa taong nakilala niya sa Facebook at nag-alok sa kanya ng modeling job.
Nakalubog sa ilog ang kalahati ng naaagnas nang bangkay ni Melissa Maravilla Magracia, 17, taga-Bgy. Paradahan I, Tanza, Cavite, nang matagpuan ng isang magsasaka dakong 9:45 ng umaga nitong Sabado.
Sinabi ni PO2 Brian Jay Comia na hinihintay pa nila ang resulta ng awtopsiya sa dalagita para matukoy ang ikinamatay nito.
Estudyante ng Grade 11 (senior high school) sa AMA Computer School sa Dasmariñas City, suot pa ni Magracia ang kanyang uniporme at nakasukbit pa sa likod ang kanyang silver bagpack nang matagpuan.
Disyembre 6 nang iniulat ng pamilya ng dalagita ang kanyang pagkawala matapos siyang umalis ng bahay para makipagkita sa isang lalaking nakilala niya sa Facebook at nag-alok sa kanya ng modeling job.
Nagsimula namang mag-alala ang pamilya ni Magracia nang biglang mag-deactivate ang Facebook account ng biktima, na hindi na rin nakauwi.
Kinumpirma naman ng isang classmate ni Magracia na nakipagkita ito sa isang lalaki malapit sa Cavite State University.
Todo tanggi naman ang inaresto ng pulisya na si Elrick Mojica Vidallo, 31, welder. Dinakip siya sa kanyang bahay sa Bgy. Harasan, Indang, habang inaalam pa ng pulisya kung may iba pang sangkot sa pagpatay sa dalagita.
Iginiit naman ni PO2 Comia na may mga ebidensiya siya ng komunikasyon sa Facebook nina Vidallo at Magracia bago ang krimen, bukod pa sa ilang testimonya na sumusuporta rito. (Anthony Giron)