MAGKASUNOD na ‘high stakes’ race ang ilalarga sa MetroTurf Super Christmas Weekend sa Disyembre 17-18 sa MetroTurf Racing Complex sa Malvar, Batangas.

Magsisilbing host ang Metro Manila Turf sa isasagawang KASAPI Benefit Racing sa Sabado at The Travel City Racing Festival sa Disyembre sa Linggo.

Isa sa pinakaaabangan ang Winner-Take-All event na itinakda sa Race 3 sa Sabado kung saan nakataya ang malaking carry-over na P1.8-milyon.

Ang mga racing aficionados ay maaaring magpunta sa kanilang mga paboritong OTBs ng mas maaga dahil agad na magbubukas ang MMTC para sa kanilang betting operations halos dalawang oras bago ang unang karera.

Tampok sa Sabado ang 4-in-1 event na Karera Station Association of the Philippines (KASAPI) kung saan dadalo ang bumubuo sa asosasyon. Ang highlight ay ang Grand Raffle ng 12 A1-Condition Haojue Motorcycles para sa “P20 Mo Manalo ng Motorsiklo” promo na joint project ng KASAPI at Metro Manila Turf Club.

Manny Pacquiao, nag-ceremonial first pitch sa gitgitan ng Yankees at Athletics

Ang KASAPI Benefit Races ay magkakaroon ng kabuuang 10 maiigting na karera kung saan ang winning owner, trainer, jockey, at groom ay tatanggap bawat isa ng KASAPI jacket.

Ang karera sa Linggo ay ang ikatlong pagsasagawa ng PASAY – THE TRAVEL CITY RACING FESTIVAL. Mahigit sa P3-milyon sa premyo ang paglalabanan habang maraming premyo ang ipapa-raffle at ipamimigay sa mga manonood na pupunta sa venue.

Tampok sa naturang racing festival ang 3rd Pasay – The Travel City Racing Cup at ang 3rd Pasay City Mayor Tony Calixto Cup. Nakataya sa dalawang karera ang tig-700,000 premyo kung saan ang magwawagi sa bawat karera ay tatanggap ng top prize na P420,000.

Ang runnerup ay mag-uuwi ng P157,500 habang ang ikatlo at ikaapat ay tatanggap ng P87,500 at P35,000. Ang lahat ng winning owner, trainer at jockey ay tatanggap ng eleganteng tropeo.

Mayroon din na 11 Trophy Races bilang suporta sa dalawang malaking karera. Lahat ng winning horse sa 11 Trophy Races ay bibigyan ng tropeo at guaranteed prize na P150,000 bawat isa. Ang mga winning grooms for the day ay mag-uuwi ng 25-kilo na bigas bilang Christmas present mula sa Pasay City. (Angie Oredo)