Nagposte ang De La Salle-Zobel ng 1-0 panalo laban sa Ateneo upang mapanatili ang impresibong run sa ginaganap na UAAP Season 79 juniors football tournament nitong Sabado ng hapon sa Moro Lorenzo Field.
Naitala ang tanging goal sa laro ni Junior Archers team skipper Miguel Basmayor sa ika-33 minuto ng laro upang mapatatag ang kanilang pamumuno sa natipong anim na puntos.
Nauna na nilang ginulat ang defending champion Far Eastern University-Diliman noong season opener para tapusin ang 23-game winning streak ng Baby Tamaraws.
Nakatakda naman nilang kumpletuhin ang pagwawalis ng first round sa pakikipagtuos sa season host University of Santo Tomas sa Sabado.
Sa iba pang laro, ibinaling ng Baby Tamaraws ang ngitngit sa Tiger Cubs kasunod ng 1-2 kabiguan sa Junior Archers nang ilampaso ang UST, 7-1.
Dahil sa panalo, umarya ang FEU-Diliman sa ikalawang puwesto sa hawak na tatlong puntos, habang nanatiling may tig-isang puntos ang Blue Eaglets at UST Tiger Cubs. (Marivic Awitan)